"SI MAOLANA, ISANG TAONG MALAPIT KAY ALLAH"
True Story #8
liham ni the Traveller
edited by the EWave Team/BSVN
|
Si Maolana, isang butihing tagapaglingkod ni Allah. |
Nais ko lang po ikwento ang aking karanasan nuong kami ay mapagawi sa Davao City. Nakakilala kami duon ng isang butihing tagapaglingkod ni Allah.
Nagsimula po ang lahat nuong sinaniban ng masamang ispiritu ang aming kaibigang si Anya. Sa pagkaligalig ni Anya kasama na ang kanyang pagkabayolente nuong mga oras na iyon, talaga namang nahihirapan na kaming makatulog sa gabing iyon. Hindi na rin niya kami nakikilala. Kaya ang aming ate Julia ay humingi na ng saklolo sa kanyang kaibigan kung ano ang dapat gawin.
|
Si Dondon na rakista at ng kasama namin. |
Ang payo ng kaibigan ni Ate Julia na si Maolana ay dalhin daw agad-agad si Anya sa kanya. Kaya naman kahit nga kapos kami sa pera, agad-agad kaming kumilos at inayos ang lahat para madala namin si Anya kay Maolana.
Si Dondon na rakista at may mahabang buhok ang aming naging driver sa gabing iyon.
Apat na oras kami sa daan, bandang alas-onse na ng gabi nuong kami ay dumating sa bahay ni Maolana sa Davao City. Sinalubong agad kami ng mga nakangiting kalalakihan na nakadamit ng mahaba o "Juba". Si Maolana ay anduon din at wi-nelcome niya kami ng maayos.
|
May natira pa ba? |
Pagod na pagod kami sa mahabang byahe mula Cotabato.
Sandali pa lang kami nakaupo sa salas, lumapit na sa amin si Jayir na labin-pitong taong gulang dala ang mga pagkaing masasarap. Inihapag niya ito sa lamesa, punong-puno ito. Agad naming nilantakan ang pagkain na para bagang wala ng bukas. Sarap na sarap kami sa pagkain.
Nakalimutan namin saglit si Anya na nakahiga sa isang sofa kaya nagulat kami nuong sinabi niya: "Tara, uwi na tayo!"
Si Dondon ang agad nakasagot: "Anya, malayo ang biyahe natin kaya magpahinga muna tayo."
Pagkatapos malinis ang pinagkainan namin, pinapasok ni Maolana si Walid, 10yo, at si Jayir. Sinimulan na nila ang panggagamot. Sabay-sabay silang nagbabasa ng mga verses sa Holy Quran.
Akala namin ay natutulog na si Anya ng mga oras na iyon puro tumili siya ng ubod lakas, "TAMA NA! AYOKO MARINING IYANG BINABASA NIYO!"
Kinikilabutan kami sa inaasal ni Anya.
|
Para maalala namin siya. |
Kinausap ni Maolana ang kung ano mang sumanib kay Anya. Matagal ang panggagamot. Iyak ng iyak si Anya dahil sinasaktan daw siya ni Bapah Maolana.
Bandang alas-dos na ng umaga nuong tuluyan ng bumalik sa katinuan si Anya. Alhamdulillah. Kaya kami ay nakatulog na ng mahimbing. Naramdaman na lang namin na may tumatawag sa aming pangalan. Alas-otso na pala!
|
Pagluluto ni Jayir sa kusina. |
Narinig ku si Maolana ay bumulong kay ate Julia: "Pasensiya na kayo, wala na kaming maihanda sa inyo na almusal. Walang-wala kasi kami."
Naawa ako kay Maolana. Pakiwari ko, inubos nila kagabi ang kanilang mga naipon para lamang mapaghandaan kami ng masasarap na pagkain. Naintindihan naman agad ni Ate Julia si Maolana at inabutan niya ito ng pambili ng pagkain. Tumaliwas agad si Jayir at niluto agad ang kanyang nabili.
Sa hapag-kainan, sinabi ulit ni Maolana: "Hiyang-hiyang talaga kami sa inyo. Dahil wala kaming maihanda sa inyo."
Duon na rin kami nagtanghalian sa kanila. Alas-dos ng hapon, nagpaalam na kami kay Maolana.
"Iiwanan ninyo na kami?" sabi niya. At laking gulat pa namin ng may namuong mga luha sa kanyang mga mata. Umiyak siya na para bang hindi niya kami kayang paalisin nuong araw na iyon. Hindi pa nga kami umabot ng 24 oras na magkasama pero ganuon na lang ang kanyang pagmamahal sa amin.
Nagpaalam na kami sa kanya at lumisan kami ng tahimik.
Sa luob ng sasakyan, sabi ni Dondon: "Para tayong nagmonghe ng ilang araw ah! Mas maganda ang experience na ito kaysa malling dito sa Davao."
Si Dada naman, paulit-ulit na sumasambit: "Nakakaawa naman sila . . . ."
"Si Maolana at ng kanyang mga murid ay walang Sudjada. Samantalang ako andami, ako lang ang gumagamit," sabi pa ni Dada.
Samantala si Ate Julia ay nagkwento sa amin tungkol kay Maolana.
|
Congregational prayer led by Maolana
|
Si Maolana pala ay may Masjid at isang Madrasa na rin na tinawag niyang "Small Servant of Agama." Hindi pa ito lubusang tapos dahil sa self-support ang pagpapatayo niya nito. Umaasa lamang sya sa tuition ng mga bata o murid na nag aaral sa kanyang madrasa.
Siya ay may 24 na murid, ang pito sa mga ito ay orphans. Ang kanyang ikinababahala ay baka wala na syang maipakain sa kanyang mga alagang ulilang lubos, na ang tawag sa kanya ay ABIY.
|
Si Jayir at Walid tulong-tulong sa kusina.
|
Naalala ko nuong anduon pa kami sa bahay, nakita ko talaga kung gaano kasipag sa pag-mememorise ng Quran ang mga Murid ni Maolana. Masipag din sila sa gawaing bahay para makapag-Baqti sa kanilang Guro na si Maolana. Kahit nga si Walid na anak daw ng may-kaya, nag-aral din ng gawaing bahay sa Madrasa ni Maolana. Si Walid ang tumutulong kay Jayir sa pagluluto kanina.
Nakakatuwa talagang pagmasdan ang pag-aagawan nila kanina sa pagluluto ng Daing.
At pinilit pa nga namin kanina si Maolana na ipakita sa amin ang kanyang proposed budget for the Masjid, pero bulong ni ate Julia hindi raw iyon ipapakita sa amin dahil maging siya raw na kaibigan ay ayaw ring patignan miski anong pilit niya.
Kaya naman nuong ipakita nga ito sa amin ni Maolana, pakiramdam namin parang ang laking responsibilidad ito kahit nga alam namin na wala naman din kaming maraming maitutulong sa kanya.
May mga pumupunta rin daw palang mga Ulama sa madrasa niya upang makinig at mag-aral sa kanyang klase. Ngunit libre ang kanyang pagtuturo sa mga ulama. Walo na raw sa kanyang mga Murid ang naghihintay na lamang sa kanilang Visa papuntang Pakistan.
Dito po nagtatapos ang kuwento ko kay Maolana, na isang butihing servant ni Allah sa Davao City.
Sana po may aral kayong mapupulot sa kwento kong ito. Maraming salamat po.